
- Inaabangan lagi noon ng mga bata ang “karitela ng baka”
- Tinatawag din na “caravan”, ang cow-pulled mobile store na ito ay nagtitinda ng mga basket, duyan, andador, at iba pang gamit na talaga namang mapakikinabangan sa bahay
- Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng maraming miyembro ang mga hindi nila makalilimutang sandali noong panahong napapasaya sila ng pagdaan sa kanila nito
Hinihintay mo rin ba noong bata ka ang pagdaan ng ang tindahang de-gulong na hinihila ng baka?

Isa sa mga nagbibigay ng tuwa sa mga bata noon ay ang “karitela ng baka” na lumilibot kung saan-saan para maglako ng iba’t ibang klase ng gamit na talaga namang mapakikinabangan sa bahay. Tinatawag din na “caravan”, ang cow-pulled mobile store na ito ay kilala sa pagtitinda ng mga basket, duyan, andador, at iba pa.
Dahil abot-kaya ang mga tinda nito, madalas itong tawagin at pahintuin ng mga wais na nanay — bagay na nagpapasaya rin sa mga bata na gustong malapitan ang baka.
Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng maraming miyembro ang mga hindi nila makalilimutang sandali noong panahong napapasaya sila ng pagdaan sa kanila nito.
“Kung inabot mo ito, anong tawag dito? At naranasan n’yo ba ibili ng magulang mo ng duyan at andador dito?” tanong ng nag-post na si Paolo Paulme sa caption ng litrato.
“Bilao lagi binibili ni mother,”ani Norma Sapanta. “Gusto n’ya iyong balat ng bamboo, matibay daw kasi ‘yon. Mura riyan.”

“Mayro’n pa noon sa Caloocan City niyan noong 70’s and early 80’s,” pag-aalaala ni Ariel Bagtas.
Samantala, hindi man kasing dalas ng noon ang pagdaan ng mga caravan sa mga lugar na dating dinadaanan ng mga ito, hindi pa rin naman daw ito tuluyang nawawala at paminsan-minsan ay namamataan pa rin naman.
Ikaw, ano ang natatandaan mo sa “karitela ng baka” o “caravan”?