
- Pinuri ng isang netizen ang Grab driver na nasakyan habang mayroong emergency
- Bukod kasi sa binilisan ng Grab driver ang takbo para mahatid agad sila sa hospital, hindi na rin sila pinagbayad ng nasabing Grab driver
- Ani ng driver, ipambili na lamang umano nila ng gamot ng anak ang sana’y ipambabayad na pamasahe sa kaniya

Iba’t ibang kuwento na ang nagiging viral online tungkol sa mga mabubuti o hindi magagandang karanasan ng mga Pinoy sa iba’t ibang bagay, lugar, pangyayari, o tao.
Naging daan ang social media upang makapagbahagi ang mga Pinoy ng kanilang mga personal na karanasan na maaaring magsilbing aral, inspirasyon o babala para sa ibang netizens na makababasa nito.
Kamakailan, isang post mula sa isang netizen ang umani ng atensyon ng nakararami matapos niyang ibahagi ang kanilang naging experience sa sinakyan nilang Grab.

Marami na ring mga iba’t ibang magaganda at hindi magagandang kuwento tungkol sa karanasan sa Grab na naibabahagi online, ngunit kakaiba itong post ng netizen na si Laine Quirolgico.
Ayon sa post ni Quirolgico na ni-repost ng Philippine Star Facebook page, nagpasalamat siya sa Grab driver na kanilang nasakyan noong nagkaroon sila ng emergency at kailangang dalhin ang kaniyang anak sa hospital.
Tinanong umano ng Grab driver na si Sherwin Calton Roques Dela Cruz kung emergency situation umano ang kanilang kalagayan.
“Nung time na sinabi ko ‘yun, agad-agad na siyang nagmadali magmaneho, binusinahan niya lahat ng sasakyan,” ani Quirolgico. Dahil sa ginawa ng Grab driver, nakarating umano agad sila sa Ospital ng Makati nang mabilis at ligtas.

Noong magbabayad na umano sila Quirolgico ay nagulat siya nang hindi ito tanggapin ni Dela Cruz. “Magbabayad na kami hindi niya tinanggap at sinabi nya na ‘Ibili mo na lang ng gamot mam,” kuwento ni Quirolgico.
Dahil dito, humanga umano si Quirolgico na noon lang nakatagpo ng ganoong Grab driver. “Super bait ni kuya, sana madami pa siyang katulad na laging iniisip ang kapakanan ng kapwa niya kaysa sa pera.”
Sa ngayon ay okay na raw ang anak na lalaki ni Quirolgico na dinala sa hospital at ngayon ay nagpapahinga na sa kanilang bahay.