
- Isa sa mga nagpapasaya ngayon sa mga taga-Barangay Guitna, Agoncillo, Batangas ang “Kiddie Meal Box Tree” sa tabi ng isang tindahan
- Ang nasa likod nito ay si Ryan Macaraig na isa raw certified “batang Jollibee”
- Nagsimula ang lahat sa pagiging miyembro ng Jollibee Kids Club, hanggang naging collector ng Jollibee Kiddie Meal Toys; na dahilan kaya marami siyang kahon
May mga bagay na nagpapaalala ng ating masayang kabataan; mga bagay na nagiging tanggulan at kanlungan natin dito sa “tunay na mundo” na malayo sa malapantasyang daigdig ng ating kamusmusan.

Para sa nasa likod ng “Kiddie Meal Box Tree” na si Ryan Macaraig, ang mga bagay na ito ay ang mga free toy ng Jollibee Kiddie Meal; kabilang na ang mga bagong bili lamang niya simula noong nagtrabaho siya noong 2015. At ngayong buwan lamang, bumili muli siya ng isang complete set ng kasalukuyang free ng Kiddie Meal–ito ang dahilan kaya naisip niyang “gumawa” ng puno na ang bunga ay Kiddie Meal boxes.
“Kagabi ay bumili ako ng complete set ng laruan sa Jollibee at nakalagay sa cute box na ito per toy. Nakatuwaan kong ilagay sa halaman na katabi ng aming tindahan na nagsilbing decoration nito,” pagbabahagi niya sa isang panayam sa Definitely Filipino. “First time ko na mas dinamihan ang mga nakasabit na Jollibee Kiddie meal box lalo na at magpapasko.”
At ngayon ay nagbibigay na ng tuwa sa mga napapadaan sa lugar nila sa Barangay. Guitna, Agoncillo, Batangas ang simpleng halaman lamang noon na ngayon ay nakikita na bilang puno na mayroong mga kakaibang bunga.

“Tuwing may mga bumili sa tindahan namin, mapabata man o matanda at maging ang mga ahente sa nagde-deliver sa amin, ay natutuwa sa mga nakasabit na box. Biro pa nga nila, buti pa ang halaman namin ay namumunga ng Jollibee,” natatawang kuwento niya. “Marami ang natutuwa.”
Ani Ryan, na isa raw certified “batang Jollibee”, nagsimula ang lahat sa pagiging miyembro niya ng Jollibee Kids Club hanggang sa naging collector ng Jollibee Kiddie Meal Toy noong kaya na niyang bumili mula sa sarili niyang kita.
“Kilala po ako dito sa amin, lalo na sa aking pamilya, na batang Jollibee. Full support sila, lalo na ang aking Mame Lalie–nanay ko po–sa pagbili at pag-collect ko ng toys. Sa ngayon, naka-display ang mga piling Jollibee Kiddie Meal Toys sa harap ng aming tindahan.
Pero paano naman kaya kung may gustong “pumitas” ng “bunga”?
Aniya, “Kapag may mga bata nga humihingi po nito ay ibinibigay na rin namin sa kanila.”
Iba pa rin naman talaga kapag naibabahagi mo sa iba ang mga bagay na sa iyo ay nagpapasaya! Maligayang Pasko ngayon pa lang, Ryan!