”Di lahat nangunguha ng bata’: May-ari ng puting van, nakiusap na huwag silang husgahan

Image via Pixabay
  • Nakiusap sa publiko ang isang nagmamay-ari ng puting van na huwag sana silang basta husgahan
  • Kuwento ni Jeoff Ruelo Reyes, huminto lang siya para bumili ng meryenda nang biglang nagtakbuhan ang mga batang naroon at nambato pa ng bote ng coke ang isa sa kanila
  • Nilinaw niya sa post na hindi lahat ng nakasakay sa puting van ay nangunguha ng bata, ang iba ay naghahanapbuhay nang marangal

Sa panahon kung kailan kinatatakutan ng marami ang puting van na napababalitang nangunguha ng mga naglalakad sa kalye, mukhang nalalagay din sa alanganin ang ang mga nagmamay-ari at nagmamaneho ng ganitong sasakyan.

Image capture from Facebook

Sa Facebook group na Marikina News (the original), nakiusap sa publiko ang isang nagmamay-ari ng puting van na si Jeoff Ruelo Reyes na huwag sana silang basta husgahan dahil hindi lahat ng mga nagmamay-ari at nagmamaneho ng ganitong sasakyan ay mayroong gagawin na hindi maganda.

Aniya, kamakailan ay naranasan niya ang epekto ng takot ng mga tao sa sasakyang ito na napababalitang ginagamit sa pangunguha ng mga naglalakad sa kalye, lalo na ang mga bata.

Kuwento ni Reyes, huminto lamang siya para bumili ng meryenda sa tindahan nang biglang nagtakbuhan ang mga batang naroroon. Ang isa sa mga batang ito ay nambato pa raw ng bote ng softdrinks.

“Mga bata, good-boy ako huwag naman ninyo batuhin ang puting van namin. Hindi lahat ng puting van nangunguha ng bata, ‘yong iba ay naghahanapbuhay lang nang marangal,” saad ni Reyes sa kanyang post

Image capture from Facebook

“Buti plastic bottle lang ng Coke Mismo. Huminto lang ako saglit para bumili sa tindahan ng Cobra at Magic Flakes, nagtakbuhan na kayo at may nambato pa ng bote ng Coke Mismo,” pagpapatuloy niya.

Marami ang nakisimpatiya kay Reyes. Ikinalungkot nila na pati ang mga mabubuting nagmamay-ari at nagmamaneho nito ay nadadamay, habang may mga nagpayo sa kanya na palitan ang pintura ng kanyang sasakyan.

Ano nga ba ang dapat gawin ng mga katulad ni Reyes?