
- Bukod sa dito nabibili ang mga pagkain at bagay na madalas kailanganin sa araw-araw, may iba pang maaaring gawin ang mga pumupunta ng tindahan
- Noon, usong-uso rin sa mga nagmamay-ari ng tindahan ang pagpapaarkila ng komiks na patok na patok na babasahin noong araw
- Sa isang Facebook page, binalikan ng marami ang mga panahon ng “comics for rent”
Sobrang popular sa mga tao noon ang pagbabasa ng komiks, kaya naman pati ang mga nagmamay-ari ng tindahan ay sinamantala ang pagiging uso nito.

Bukod sa dito nabibili ang mga pagkain at bagay na madalas kailanganin sa araw-araw, may iba pang maaaring gawin noon ang mga pumupunta ng tindahan. Ilang dekada pabalik, usong-uso rin sa mga nagmamay-ari ng tindahan ang pagpapaarkila ng komiks na patok na patok na babasahin noong araw.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng marami ang mga panahon ng pagtangkilik nila sa “comics for rent” sa mga sari-sari store.
“Ang tipikal na tindahan noon…tindahan na, arkilahan pa ng komiks,” saad sa caption ng litrato.
“I really love reading komiks,” pagbabahagi ng Facebook user na si Jhune Fernandez. “That’s the best way to enhance reading skills….In order to improve my reading comprehension, I spend my time through reading a lot, including komiks.”
Kuwento naman ni Vivian Valdez, “Kami ang nagpapaarkila ng komiks noon elementary to high school days dahil may sari-sari store ang lelang ko. Paborito kong basahin ang Pilipino Komiks, Tagalog Klasiks, Hiwaga Komiks, Espesyal Komiks, Aliwan, at Liwayway. Binabasa ko agad mga bagong dating na komiks bago pa may umarkilang mga suki namin.”

Mayroon din daw mga nakaka-miss sa amoy ng komiks at sa pakiramdam na binubuklat nila ang mga pahina nito.
Ikaw, ano ang naaalala mo sa mga panahong uso pa ang mga babasahing ito?