
- Bukod sa identification (ID) card, may iba pang nakasabit sa leeg ng mga estudyante noong 1990s
- Nauso rin noon ang maliliit na bote na mayroong may kulay na likido sa loob; sa iba ay cologne daw ang laman nito, habang ang iba ay tinatawag itong “love potion”
- Sa post ng page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahong hindi nila nakalilimutang isuot ang kanilang “mahiwagang kuwintas”
Nagsusuot ka rin ba noon ng “mahiwagang kuwintas”?

Bukod sa identification (ID) card, may iba pang nakasabit sa leeg ng mga estudyante noong 1990s. Nauso rin kasi noon ang maliliit na sisidlang bote na mayroong may kulay na likido sa loob. Wika ng iba ay cologne daw ang laman nito, habang ang iba naman ay tinatawag itong “love potion”.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahong hindi nila nakalilimutang isuot ang kanilang “mahiwagang kuwintas” at naniniwala pa sila sa kapakinabangang hatid nito, bilang pabango man o bilang “gayuma” sa kanilang nagugustuhan.
“Love poison daw tawag diyan, madami raw magkaka-crush kapag nagsuot ka,” ani Melanie Guevara.
“Ang pagkakatanda ko riyan, ‘yan ay isang love poison na ‘pag naamoy ka ni crush eh maghahabol na siya sa iyo. Kaya noong suot ko ‘yan, feeling ko ako talaga tinitingnan ni crush,” wika ni Donaire Richnel.
“Isinusuot ko ‘yan noon kapag inuutusan ako ng mama ko sa gabi, tapos feeling ko hindi ako malalapitan ng aswang dahil suot ko ‘yan,” pagbabahagi ni C Jay Ruamar.
“Sabi ng kaibigan ko noong bata pa ako, ‘Kapag suot mo ‘yan, lalapit sa iyo ang crush mo. Kaya bumili ako ng ilang piraso noon,” kuwento ni Domdom Ramos Ronald.

Ikaw, ano ang hindi mo makalilimutan sa mga kuwintas na ito?