Childhood favorite: Nakahiligan mo rin ba noon ang maliliit na bilog na kendi?

Image via Batang Pinoy - Ngayon at Noon. | Facebook
  • Maraming bata ang nagkahilig noon sa maliliit at makukulay na bilog na kending nakalagay sa sisidlang halos kasing payat lamang ng barbecue stick
  • Bagama’t maliliit, marami pa ring bumibili nito at mas kinasasabikan pa nga kaysa sa laruang kasama
  • Sa Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang mga alaalang kakabit na ng mga maliliit na kending ito

Maliliit ngunit malaking saya ang dala noon sa mga bata ng makukulay na bilog na kending nakalagay sa sisidlang halos kasing payat lamang ng barbecue stick.

Image capture from Facebook

Bagama’t maliliit ay madalas na mas kinasasabikan pa ito kaysa sa laruang kasama kapag binibili ito. At kahit hindi madaling kainin lalo na kung halos hindi mailabas sa masikip nitong sisidlan, gustong-gusto pa rin ito ng mga paslit at madali lamang nauubos sa mga sari-sari store.

Sa Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang mga alaalang kakabit ng tinaguriang “maliit na kending mahirap kainin”.

“May tindahan kami sa Cagayan,” pagbabahagi ng social media user na si Elvira Supendio. “May promo kami. May isang teks na kakabit sa goma!”

“Hahaha oo nga, hirap niyan kainin. ‘Pag may natitira sa dulo, taktak ko pa talaga sa bibig,” ani Raymundo Grasya.

Habang mas malalim naman ang idinulot kay Ana Lee ng klase nito na may nakakabit na larawan ng watawat sa dulo. Aniya,

“Ito ‘yong candy na humikayat sa akin na one day, bibisita ako sa ibang bansa. Elementary pa lang ako noon. Ang taas ng pangarap ko. But dreams do come true, if you believe and have faith, hard work and trust in God. One day at a time.”

Image capture from Facebook

Samantala, sa sobrang popular ay naging negosyo ito ng iba. Mura lang kasi ang puhunan at mura rin ang benta kaya naman kayang-kaya itong bilhin sa kanila.