
- Nabigyan ng parangal si Bea Alonzo sa naganap na 4th International Film Festival Macao (IFFAM) press conference sa China
- Isa si Bea sa walong Asian stars na binigyan ng “Asian Stars: Up Next” award ng Variety magazine at IFFAM
- Kasama ni Bea na pinarangalan din ang kilalang miyembro ng K-pop group na Girl’s Generation na si Im Yoon-Ah

Marahil masasabi ngayon na halos maraming mga Pinoy na ang umiidolo sa mga Korean celebrities at K-pop groups. Ito ay dahil sa mga teleserye ng Korea na dina-dub at ipinapalabas dito sa Pilipinas.
Sa katunayan, marami na ring Korean celebrities ang nagiging model at endorser ng mga kilalang clothing line dito sa bansa tulad ng Bench at Penshoppe. Ang iba pa nga sa kanila ay nagkakaroon ng fan meeting dito sa bansa na dinadaluhan naman ng marami.
Kaya naman natutuwang makita ng ibang Pinoy fans kapag nagsasama ang mga Pinoy at Korean celebrities. Marami na rin kasing mga Pinoy celebrities ang nagiging fan din ng mga Korean celebrities at K-pop groups.
Kamakailan, dumalo ang Kapamilya aktres na si Bea Alonzo sa 4th International Film Festival Macao (IFFAM). Dito ay pinarangalan ang aktres kasama na rin ang pito pang Asian stars, at kabilang na nga sa kanila ang isang miyembro ng Girl’s Generation na si Im Yoon-Ah.

Sina Bea at Yoon-Ah at anim pang Asian celebrities — Ryota-Katayose (Japan), Praewa Suthampong (Thailand) at Jennis Oprasert (Thailand), Lien Binh Phat (Vietnam), Asmara Abigail (Indonesia), Bhumi Pednekar (India) — ay binigyan ng Asian Stars: Up Next award.
Layunin ng award na ito na bigyang parangal ang mga “hottest upcoming Asian talents,” at isa nga si Bea sa napili ng IFFAM at Variety magazine na paparangalan ng award na ito na ginanap sa China.
Sa mensaheng ibinigay sa Business Mirror, sinabi ni Bea na isang malaking karangalan na mapili at mabigyan ng ganitong klaseng award.
“There is so much talent in the Philippines and I want the world to see it. And I feel like we are just starting,” ani aktres.
Nauna na ring pinarangalan ng Asian Stars: Up Next sina Piolo Pascual at Anne Curtis noong mga nakaraang taon.
