
- Bago pa nauso ang mga makabagong paraan ng komunikasyon, nagtiyaga muna ang mga naunang henerasyon sa pagpunta sa telephone booth
- Noon, kailangan pa munang lumabas na may baong sapat na barya bago ka makakonekta sa taong nais mong makausap
- Sa isang Facebook page, binalikan ng marami ang panahon ng telephone booth
Bago pa nauso ang text messages, Facebook Messenger, at iba pang makabagong paraan ng komunikasyon, nagtiyaga muna ang mga naunang henerasyon sa pagpunta sa mga telephone booth.

Noon, kailangan pa munang lumabas na may baong sapat na barya bago ka makakonekta sa taong nais mong makausap. Talagang hindi basta-basta, lalo na kung malayo sa iyo ang kinaroroonan ng teleponong ito. Katulad ng maraming bagay noon, maging ang komunikasyon ay pinaghihirapan muna bago mo makuha — pero, sulit naman daw kapag nakausap mo na ang tao.
Sa Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng maraming social media users ang panahon ng telephone booth.
“Naranasan ko ‘yan. Tumatawag ako sa ganiyan na phone para makausap ang boyfriend ko na ngayon ay asawa ko na. Mula sa Angeles, Pampangga to Manila,” pag-aalaala ni Riza Lee. Sabi pa niya, “Ikuwento ko nga sa mga anak ko ‘yan. Ipakita ko ‘yang phone na ‘yan sa kanila.”
Samantala, naalala naman ni Leonardo Ariñez, Jr., “Tatlong bente-singko lang ang aking kailangan upang makausap ka kahit sandali lang. Tungkol sa telephone booth na ‘yan ang hit na kanta ni Dingdong Avanzado na “Tatlong Beynte-singko”.

Ikaw, ano ang ipinaalala sa iyo ng telephone booth? Natatandaan mo pa ba kung kanino ka madalas tumawag noon? Nakakausap mo pa ba siya hanggang ngayon, o katulad ng telephone booth ay niluma na rin ng panahon ang inyong ugnayan? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section at sabay-sabay nating balikan ang ating kahapon!