
- Sa kanilang official Instagram page, mayroong surpresang ipinahayag ang P-pop group na SB19
- Ayon sa kanila, maglalabas sila ng bagong kanta sa mismong Christmas day, “Alab” ang pamagat ng kantang kanilang magiging track title
- Sa ngayon, mayroon nang dalawang kanta ang nailalabas ng grupo, ang “Tilahula” at “Go Up“

Maraming bagay ang maaaring pakaabangan ngayong nalalapit na araw ng Pasko: ang regalong iyong maaaring matanggap, mga handang pagkain sa Noche Buena, o ‘di kaya ay mga pera na maaaring ibigay ng mga ninong at ninang.
Ngunit para sa maraming fans ng SB19, dagdag sa kanilang aabangan sa araw ng Pasko ay ang bagong kanta na ilalabas ng grupo.
Sa kanilang official Instagram page, sunod na sunod ang post ng SB19 tungkol sa bagong kantang kanilang ilalabas sa mismong araw ng Pasko.
Sa unang post, ito ang inanunsyo ng grupo: Are you ready A’TIN? We will be releasing our new song this Christmas! Ang salitang “A’TIN” ang tawag sa fandom o mga taga suporta ng SB19.

Sa sumunod na post, ibinunyag ng P-pop group ang pangalan ng kantang kanilang magiging track title. Ang kantang ito ay pinamagatang “Alab.”
Naglabas din ng teaser image ang grupo na kinabibilangan nina Sejun, Stell, Josh, Ken at Justin. Matatandaang kamakailan ay ang SB19 ang kauna-unahang Pinoy band na nakapasok sa Next Big Sound chart ng Billboard; isa sa mga kilala at prestihiyosong music media brand sa buong mundo.
Kamakailan din ay nag-anunsyo ang grupo ng kanilang concert na sold out agad tatlong minuto pa lang nang mag-umpisa ang ticket selling.

Ang concert ng grupo ay gaganapin sa Cuneta Astrodome sa darating na Disyembre 28. Ang Cuneta Astrodome ay mayroong sitting capacity ng hanggang 3,500 katao.
Dahil sa naubos agad ang ticket, inanunsyo ng management ng grupo na “if we have remaining slots left after checking the case mentioned, we will inform you very soon regarding re-opening of registration.”
Sa ngayon ay mayroon nang dalawang kantang nailalabas ang grupo, ito ay ang “Talahula” at “Go Up.”
Tamang-tama ang bagong kantang ilalabas na ito ng SB19 lalo na at parami na nang parami ang kanilang tagasuporta at mas lalo na rin silang nakikilala dahil sa kanilang talento.