
- Ipinahayag ni Angeline Quinto ang kaniyang opinyon tungkol sa pagiging ‘single’ ngayong Pasko
- Sa interview sa isang programa, sinabi ni Angeline na ang tunay na kahulugan umano ng Pasko ay pagmamahal lalo na ng pamilya
- At sa pagiging single ngayong Pasko, sanay naman na raw si Angeline dahil marami naman daw ibang paraan para sumaya

Nalalapit na naman ang Pasko kaya asahan na ang kaliwa’t kanang sales sa mga mall, maraming tao na namimili, traffic na daan dahil sa dami ng nasa labas, pagdiriwang ng Christmas party at ang pagbibigayan ng regalo.
Isa rin sa pinakaaabangan ng marami ngayong Pasko ay ang pagiging malamig ng simoy ng hangin, at dahil dito, naging tampulan na ng tukso ang mga Pinoy na magdiriwang ng Pasko na walang karelasyon.
Sa katunayan, ang opisyal na tawag nga sa kanila ay SMP, o ‘Samahan ng Malalamig ang Pasko.’ Dahil walang kabiyak ang kanilang makakayakap o makaka-hawak kamay sa lamig ng panahon na dala ng nalalapit na Pasko.
Maraming simpleng mamamayan ang maaaring kasapi ng SMP, ngunit mayroon ding mga artista o kilalang personalidad ang kasapi dito — at hindi sila nahihiya na aminin ito.

Tulad na lamang ng aktres at singer na si Angeline Quinto na umaming isa siyang kasapi ng SMP sa kaniyang interview sa programang Magandang Buhay kamakailan.
Sa unang parte ng interview, tinanong ng host na si Jolina Magdangal si Angeline tungkol sa kaniyang pananaw ngayong Pasko na siya ay single.
“Sa pananaw mo sa Pasko ano ito? At ano ang tingin mo dito bilang ikaw ay single ngayon?” tanong ni Jolina sa singer.
Sinagot naman ito ni Angeline ng, “Para sa akin po kasi siyempre ‘di ba unang-una naman talaga ang kahulugan ng Pasko ay pagmamahal at lalo ay family.” Ikinuwento rin niya na kada taon ay mayroong ipinagdiriwang na family reunion ang kanilang pamilya tuwing sasapit ang Pasko.

At bilang ang singer nga ay single ngayon, tinanong siya kung kasapi ba siya ng SMP na pabiro naman niyang sinagot na siya umano ang “founder” ng samahang ito.
“Siguro nasanay na po ako,” biglang sabi ng singer. “Siguro ilang Pasko na rin yung single ako.” Aniya, mga apat na Pasko na ang nagdaan na siya ay single.
Dagdag pa ni Angeline, hindi naman ang pagkakaroon ng karelasyon ang maaaring maging dahilan upang sumaya ngayong Pasko.
“Napakaraming paraan naman po para maging masaya,” aniya. “Saka sobra-sobra na po sa akin na makasama ko lang yung buong pamilya ko. Kontento na po ako roon.”
Panoorin ang kabuuan ng kaniyang interview dito: