
- Marami ang nahilig noon sa softdrink yo-yo na inilabas ng Coca-Cola
- Sa post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng maraming social media user ang mga sandaling nangongolekta at naglalaro pa sila ng mga softdrink yo-yo
- Mayroon din mga nagbahagi ng mga larawan ng softdrink yo-yo na naitago pa nila kahit matagal na panahon na ang lumipas
Kabilang ka ba sa mga nagkahilig noon sa softdrink yo-yo na inilabas ng Coca-Cola?

Sa Facebook post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng maraming social media users ang mga sandali ng pangongolekta at paglalaro nila ng mga softdrink yo-yo.
Pagbabalik-tanaw ng netizen na si Stanton Albert Snyder, Jr., “Naalala ko, ang Coca-Cola ay naglabas ng ads sa TV. Sa ilalim ng tansan, may nakalagay na yo-yo. Tatlong tansan na magkakapareho, halimbawa Coke, Royal, etc. Tapos nag-aabang kami sa kalsada ng mga delivery truck ng Coca-Cola tapos ipagpapalit namin. Nakaapat na yo-yo ako niyan.”
“Dalawang Coke red yo-yo, isang blue Coke yo-yo, at dilaw na Royal yo-yo ang mayroon ako. Kung hindi ako nagkakamali mga year 1983 to 1984 yata iyon. Ang sarap balikan ng kabataan!” pagpapatuloy niya.
“‘Yong brother ko nangongolekta niyan. Tapos mahirap mautusan kapag naglalaro ng mga yo-yo na iyan,” pag-aalaala ni Romelda P. Aberia.
Mayroon din mga nagbahagi ng mga larawan ng softdrink yo-yo na naitago pa nila kahit matagal na panahon na ang lumipas.

Inalala rin ng iba ang mga tricks na nagagawa nila. Mas masarap daw kasi maglaro ng yo-yo kung marami kang exhibition na nagagawa gamit ito. Nagiging mas kapana-panabik ang paglalaro nito sa tuwing nagpapagalingan sila sa mga kaya nilang gawin gamit ang laruang ito.
Ikaw, nangolekta ka rin ba ng mga softdrink yo-yo? Nagamit mo rin ba ang iconic toy na ito mula sa Coca-Cola para magpakitang-gilas sa iyong mga kaibigan?