After 25 years: Rico, ibinahagi ang kahulugan ng title ng hit Rivermaya song na 214

Images via Rico Blanco's Instagram account
  • Pagkatapos ng 25 taon matapos i-release ang hit Rivermaya song na “214” noong 1994, sa wakas ay sinagot na rin ng sumulat nito na si Rico Blanco ang madalas na itinatanong sa kanya
  • Sa isang vlog, ibinahagi ni Rico kung bakit “214” ang naging pamagat ng popular song na ito gayong hindi naman nabanggit ang mga numerong ito kahit isang beses sa kanta
  • Aniya, nagkaroon din ng ilang working titles ang awit bago ito tuluyang pinamagatang “214”

Pagkalipas ng 25 taon matapos i-release ang hit Rivermaya song na “214” noong 1994, sa wakas ay sinagot na rin ng sumulat nito na si Rico Blanco ang madalas na itinatanong sa kanya: Ano ang ibig sabihin ng “214”?

Image capture from Rico Blanco’s video | YouTube

Sa kanyang  bagong YouTube vlog, ibinahagi ni Rico kung bakit “214” ang naging pamagat ng popular song na ito gayong hindi naman nabanggit ang mga numerong ito kahit isang beses sa kanta.

“Alam n’yo ba, isa sa pinakatinatanong lagi sa akin ng mga tao ay, ‘Korics, ano ba talaga iyong ibig sabihin ng 214?’ Isa siya sa mga kantang naisulat ko bago ko pa nakilala ang mga kabanda ko sa Rivermaya. It’s also one of my earliest hits. Napakaraming versions na rin ng 214. Over the years, tinatanong ako ng mga tao, ‘Ano ba talaga meaning?'” wika ng dating bokalista ng banda.

Aniya, nahirapan siyang bigyan ito ng pamagat at nagkaroon muna ng ilang working titles bago nila tuluyang gawing “214”, kabilang na ang “The Proposal”, “Forever By Your Side”, “The World Could Die“, at “Am I Real?”.

“Naayos ko na pero wala pang title ‘yong 214,” kuwento niya. “Si Nathan, pumasok (at sinabing) ‘Akin na nga, patingin nga ng lyrics.’ Nakasulat siya sa isang pad. Tapos lumabas siya ng studio sa amin, he was giggling, sabi niya, ‘Andun na, may title na!’ Sabi ko, ‘Ano ‘yon?’ Tiningnan ko, ‘Ano ‘to?’ Meron siyang 2 tapos slash 14. Tapos tumatawa siya, sabi niya, ‘Valentines hahaha!’ Tawa siyang ganoon. Tapos tumawa lang iyong bandmates.”

Image capture from Rico Blanco’s video | YouTube

“Hindi rin siya seryoso pero tinitingnan ko, tapos nakita ko 2/14 sa title tapos ‘yong first line ‘Am I real?’ Na-notice ko na two letters ‘yong ‘am’, one letter ‘yong ‘I’, four letters ‘yong ‘real’. Sabi ko, baka puwede, so ‘yon na muna ‘yong working title niya. Na-print na ‘yong album namin at hindi na kami nakaisip ng better title,” pagpapatuloy niya.

Hindi niya raw naisip na marami ang mapapaisip sa pamagat ng kantang ito.

“Over the years, marami akong naririnig na bagong theories kung ano ang ibig sabihin ng 214….And to be honest, I want to keep things that way. Kung ano ang meaning niya para sa inyo, okay siya sa akin. In fact, I want to hear kung mayroon pa kayong ibang meaning ng 214 sa inyo. Gusto kong mabasa lahat ‘yan. Whatever meaning you want to attach to my songs, nasa inyo na iyon,” wila ni Rico.