Taxi driver, pinuri ng marami matapos isauli ang cellphone ng pasahero

Image via Lawrenz Javier Sierra‎ | Facebook
  • Pinuri ng marami ang taxi driver sa ginawa niyang pagbabalik sa pasahero ng cellphone na naiwan nito
  • Sa pamamagitan ng kanyang post sa Facebook group na MARIKINA NEWS, pinasalamatan ni Lawrenz Javier Sierra‎ ang matapat na tsuper
  • Bagama’t hindi nakuha ni Sierra ang pangalan ng driver ay tanda naman niya ang sinabi nito na taga-Marikina ito

Nakatutuwang isipin na bagama’t hindi ganoon kadali ang buhay ay may mga tao pa rin na mas pipiliing gawin kung ano ang tama at nararapat.

Image via Lawrenz Javier Sierra‎ | Facebook

Sa pamamagitan ng kanyang post sa Facebook group na MARIKINA NEWS, pinapurihan ni Lawrenz Javier Sierra‎ ang tsuper na bagama’t hindi niya nakuha ang pangalan ay natitiyak niya na sa Marikina nakatira dahil nabanggit nito sa kanya habang sila ay nag-uusap.

“This morning, I’m running late sa work. That’s why nag-decide ako mag-taxi,” pagbabahagi niya. “Naiwan ko ‘yong phone ko sa taxi. ‘Di ko na rin nahabol si kuyang driver.”

Nawawalan na raw siya ng pag-asa na makikita pa niya ang kanyang cellphone dahil walang sumasagot noong sinubukan niya itong tawagan.

“Halos mawalan na ako ng pag-asa na makuha ‘yong phone ko. Nag-try ako tumawag gamit phone ng manager ko pero walang sumasagot. Nawalan na talaga ako ng pag-asa,” wika niya.

Pero sa gitna ng lahat ng pagkataranta, bigla na lamang nakatanggap si Lawrenze ng tawag.

“Then, all of a sudden, may tumawag sa manager ko. Si kuyang taxi driver pala, ibabalik ‘yong phone ko,” aniya. Baling niya sa tsuper, “God bless sa ‘yo kuya at sa family mo. Maraming, maraming salamat. ‘Di mo alam kung gaano mo ako napasaya.”

Image capture from Facebook

Ikinatutuwa naman ito ng mga miyembro ng grupo. Hiling ng marami, kung sino man daw ang driver na ito, sana ay mas pagpalain pa ito ng Panginoon dahil sa mabuting ginawa nito.