
- Isa sa mga laruan na kinaaliwan noon ng mga batang 90s ay ang kamerang papel
- Sa ilang piraso lamang ng papel ay makagagawa ka na ng laruang ito at maaari na kayong magkunwari ng mga kaibigan mo na kinukuhanan ng litrato ang isa’t isa
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng social media users ang mga alaalang kakabit ng kamerang gawa sa papel
Bago pa man nauso ang mga cellphone na may camera, nahilig na rin sa pagkuha at pagpapakuha ng litrato kung saan-saan ang mga batang 90s.

Pero ibang klaseng “gadget” ang gamit nila: ang kamerang papel na sila rin mismo ang may gawa.
Noong 1990s, isa sa mga laruan na kinaaliwan ng mga bata ay ang kamerang yari sa papel. Sa ilang piraso lamang ng papel–anuman ang sukat at kulay, at kahit pa scratch paper iyan–ay makagagawa ka na ng laruang ito. Kapag mayroon ka na, may instant ka nang laruan na instant din ang dalang saya dahil maaari na kaagad kayong magkunwari na kinukuhanan ng litrato ang isa’t isa.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng social media users ang mga alaalang kakabit ng kamerang gawa sa papel.
“Tanda mo pa ba, kadekada, kung ano ang camera mo noon?” tanong admin ng page habang inaalala ang pagkamalikhain ng mga bata noon na nilalagyan pa ng brand ang kamerang papel nila.
“Hahahahaha naalala ko ‘to! Nauubos ang papel ko sa kakagawa ng ganito,” ani Jackie Giganto.
“Nahuli ako ng titser ko riyan habang pini-picturan ang kapatid ko. Hindi naman nagalit si Ma’am, kaya lang dyahe pa rin. Hehehe!” pagbabahagi ni Elvie Diño Javier.

“Oo, gan’yan na gan’yan. Tapos magpapagawa sila, ang bayad dahon ng bayabas,” kuwento naman ni Mailyn Guerzon Lansangan.
Ikaw, naglaro ka rin ba ng kamerang papel noon?