
- Isa ang plastic balloon sa mga pinakapaboritong laruan ng mga bata noon
- Nakalagay lang sa isang maliit na lalagyan na may kasamang maliit na straw at mabibili sa halagang piso, ngunit labis na tuwa ang inihahatid nito sa mga naglalaro
- Sa Facebook post ng page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., nagbalik-tanaw ang marami sa panahon ng plastic balloon
Kabilang ang plastic balloon sa mga pinakapaborito at kinaaaliwang laruan ng mga bata noon.

Nakalagay sa isang maliit na sisidlan na may kasamang maliit na straw at mabibili lamang sa halagang piso, labis na tuwa na ang inihahatid ng laruang ito sa mga batang naglalaro.
Sa Facebook post ng page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., nagbalik-tanaw ang marami sa panahon ng plastic balloon; sa panahon kung kailan simple lamang ang lahat at maging ang pagputok ng klase ng lobong ito ay nakapagdadala rin ng kagalakan sa mga paslit na tumatangkilik nito.
“Masarap balikan ang kabataan. Hindi kumpleto ang araw ko dati ‘pag hindi ako nakabili ng plastic balloon. Isa sa binibili ko during recess time, elementary days,” kuwento ni Analiza Basal.
“Hinihipan hanggang sa lumaki. Pagkatapos, hahanapin ang butas at ‘pag hindi na maagapan ang butas, hahaha pinuputok sa noo ng kalaro. Hay, kay sarap ng laro namin noon!” kumento ni Nonita Pontero.
“Kapag nagbabakasyon kami sa ‘Pinas nagdadala kami ng ganiyan pagbalik sa abroad, at kapag may umuuwi e nagpapabili kami. Gustong-gusto kasi laruin ng mga anak ko. Pati ako rin! Nakaka-miss maging bata,” pagbabahagi ni Jen Limarag Ancheta.

“Plastic balloon. Noong bata pa kami, may plastic balloon ka lang okay na, napakasaya mo na noon. Lola ko ang bumibili n’yan sa akin tapos papalobohin ko nang malaki. Then, paliliparin tapos hahabulin namin. Ang saya-saya!” pagbabalik-tanaw ni Loida Rayman.
Sa ngayon, mayroon pa rin namang plastic balloon pero kakaunti na lamang ang nagtitinda nito.