Paniniwalang Pinoy: Ang mga paruparo at ang pagdalaw ng kaluluwa ng mga yumao

Image via Pixabay
  • Mayroon pa ring mga naniniwala sa misteryong iniugnay sa mga paruparo
  • Ayon sa matandang paniniwalang Pinoy, ang mga paruparo na biglaang dumarating sa bahay o lumalapit sa tao ay kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay
  • Sa post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon., ibinahagi ng Facebook users ang kanya-kanyang kuwento nila na may kinalaman sa nasabing paniniwala

Naniniwala ka ba sa kaugnayan ng paruparo sa kaluluwa ng mga yumao?

Image via Pixabay

Ayon sa matandang paniniwalang Pinoy, ang mga paruparo na biglaang dumarating sa bahay o lumalapit sa tao ay kaluluwa ng mga yumaong mahal sa buhay. Hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga naniniwala sa misteryong iniugnay sa mga paruparo at kamakailan ay napag-usapan ito sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon.

Pabiro kasing sinabi ng admin na kapag may nakikitang paruparo ay iniisip na ng ibang Pinoy na ito ay kaluluwa ng isang mahal sa buhay na wala na sa atin.  Dito, ibinahagi ng Facebook users ang kanya-kanyang kuwento na may kinalaman sa nasabing paniniwala.

“Yes, I believe that butterfly is a sign na may kamag-anak o isang mahal sa buhay na pumanaw na,” pagsang-ayon ng Facebook user na si Cristina Lagua.

“Parang totoo ito kasi ‘pag may namatay na hindi mo pa alam, una mong makikita paruparo tapos may magbabalita na wala na si ganoon,” sabi naman ni Loida Rayman.

Image capture from Facebook

Samantala, marami rin ang nagsabi na hindi lang naman sa kaluluwa naiuugnay ang paruparo. Wika nila, may iba’t ibang kahulugan ang paruparong bumibisita sa mga tahanan o sa tao at nakadepende raw sa kulay ang ibig sabihin nito sa buhay mo.

Ikaw, kabilang ka ba sa naniniwala sa misteryong dala ng mga paruparo o isa ka sa mga naniniwalang nagkakataon lamang ang lahat ng ito?