Nostalgia: Alaalang dala ng mga bangkang papel na ginawa mo noong bata ka

Image via Pixabay
  • Isa sa mga nagpasaya sa mga bata noon ay ang pagpapaanod ng bangkang papel
  • Ang simpleng paggawa pa lamang ng laruang ito na gawa sa papel ay sapat na para mapasaya ang mga bata; nagpapabilisang gumawa, nagpapagandahan ng bangka
  • Sa post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng mga “young once” ang masaya nilang kabataan at ang magagandang alaalang nakakabit na sa laruang ito

Malayo ang nararating ng paglalayag ng mga bangkang papel–hindi lamang sa tubig.

Image capture from Facebook

Isa sa mga nagpasaya sa mga bata noon ay ang pagpapaanod ng bangkang papel. Ang simpleng paggawa pa lamang ng laruang ito ay sapat na para mapasaya ang mga bata; nagpapabilisang gumawa, nasusubok ang abilidad sa paghahanap ng magandang papel, nagpapagandahan ng bangka. Wala rin kaso kung mag-isa ka, puwedeng-puwede kang lumikha at pagkatapos ay maglibang habang pinanonood ito.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang masaya nilang kabataan at ang mga magagandang alaalang nakakabit na sa laruang ito.

“Napakasimple ng buhay dati. Bangkang papel lang masaya na tayo,” saad ng admin ng page.

Sang-ayon naman ang mga follower nito na talaga namang naging makulay din ang kabataan dahil dito.

“Kapag umuulan, kanya-kanyang gawa na ng bangkang papel,” ani Bhabes Sacdalan Lozada.

“Laro namin noon lalo kapag umuulan. Paligsahan kami sa paggawa ng bangkang papel, tapos ipapaanod namin sa tubig galing sa alulod papunta sa maliit na creek,” kuwento ni Halley Nichole.

Image capture from Facebook

Malayo talaga ang nararating ng paglalayag ng mga bangkang papel — hindi lamang sa tubig, kung hindi pati na rin sa buhay. Kahit matagal nang panahon ang lumipas ay nagagawa pa rin nitong maglayag sa mga pusong pinasaya nito noon; mga batang nagsilakihan na at binago ng mundo ngunit sa mga simpleng bagay pa rin totoong nakukumpleto.