
- Maliliit, magagaan, puwedeng isuot sa braso, madadala kahit saan mo man gusto — ganito ang rubber bands
- Kabilang sa mga paboritong laruan noong dekada 90, hindi maikakaila, ang sayang ibinigay sa mga bata ng mga goma
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang mga alaalang kakabit ng paglalaro nila ng rubber bands
Isa ka sa mga batang nahilig noon sa paglalaro ng rubber bands?

Maliliit, magagaan, puwedeng isuot sa braso, madadala kahit saan mo man gusto — ganito ang rubber bands. Kabilang sa mga paboritong laruan noong dekada 90, hindi maikakaila ang sayang ibinigay ng paglalaro ng mga gomang maaaring gawing iba’t ibang klaseng star, “bahay ni tarzan”, at iba pa.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang mga alaalang kakabit ng paglalaro nila ng rubber bands.
Saad ng admin, “Simpleng bagay lang ang nagpapasaya sa atin noon.”
“Hahaha nakakatawa na nakaka-miss. Dami ko noon goma tapos pagalingan kung sino marunong gumawa ng star o bahay ni tarzan,” tugon ng Facebook user na si Lee-bai Solaiman.
“Ang alamat ni Tarzan: ang triangle, ang krus, ang star, ang brief, ang double star, ang bahay, ang sapatos, ang sinturon, at ang sing sing. Bow,” kumento ni Roe Mar.
Pagmamalaki naman ni Rochelle Ajero, “Kaya ko nga gawin diyan bahay ni Tarzan, ‘yong doble. Halos maputol na ‘yong goma (kapag ganoon).”

Pagbabahagi naman ng ilan, hanggang ngayon daw, sa tuwing nakakakita sila ng goma, ay ganoon pa rin ang ginagawa nila rito. Kung sa bagay, mga kamay lang naman ang kailangan para sa larong ito.
Ikaw, naglaro ka rin ba ng rubber bands noon? Pinasaya rin ba ng mga gomang ito ang kabataan mo? Anong kuwento ang maibabahagi mo tungkol sa mga sandaling ito?