Memory lane: Pagtatanggal ng ipa sa bigas bago isaing, isang sinaunang ‘bonding’

Image via Batang Pinoy - Ngayon at Noon. | Facebook
  • Isa sa mga sinaunang “bonding” noong araw ang pagtatanggal ng ipa sa bigas
  • Sa Facebook, nagbalik-tanaw ang netizens nang mag-post ang page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon ng larawan ng pagtatanggal ng ipa sa bigas na nasa bilao
  • Noon daw, bago isaing ang bigas na nasa bilao ay pinipilian muna ito; kadalasan daw ay nakikisali ang mga bata na aliw na aliw sa gawaing ito

Bago pa nauso ang gadgets at iba pang mga modernong laruan, isa sa mga nagbibigay ng tuwa sa mga bata ay ang pagtatanggal ng ipa sa bigas bago ito isaing.

Image capture from Facebook

Sa Facebook, nagbalik-tanaw ang maraming social media users nang mag-post ang page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon. ng larawan ng pagtatanggal ng ipa sa bigas na nasa bilao. Bagama’t isang simpleng gawain, masasabing isa raw ito sa mga sinaunang “bonding” ng pamilya.

Noon daw, bago isaing ang bigas na nasa bilao ay pinipilian muna ito. Kadalasan, nakikisali ang mga bata na aliw na aliw sa gawaing ito; nagpapabilisang makakita ng aalisin, nagpaparamihan ng mapipili.

“Relate much. Daily routine na namin magkapatid ito. Bonding moment namin, paramihan ng mga nakuha,” pagbabahagi ng Facebook user na si Myra Pacite.

“Nami-miss kong gawin ‘to kasama lola ko habang nagkukuwentuhan kami. Na-miss ko tuloy lola ko,” ani Mhay Morales.

At kapag oras na ng pagkain, ayon kay Maryann Regalado Berdera, pakiramdam mo raw ay may pagkukulang ka kapag may nakain kang hindi dapat.

“‘Pag may batong nakain, feeling guilty ka kasi ‘di mo nagawa nang maayos ang trabaho mo,” kumento niya na may kalakip pang tumatawang emoji.

Image via Batang Pinoy – Ngayon at Noon. | Facebook

Ikaw, naranasan mo rin bang magtanggal ng ipa, bato, at iba pa mula sa isasaing na bigas? Hindi mo rin ba makalimutan ang mga alaalang kalakip ng simplen gawaing ito? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section!