
- Sa pelikulang “Adan”, lumayo ang beauty queen-turned-actress na si Cindy Miranda sa kanyang imahe bilang isang Binibining Pilipinas winner
- Sa kabila nito, ikinararangal daw ng Binibining Pilipinas Tourism 2013 ang pelikula
- Hindi karaniwan at map
angahas ang tema ngunit mayroon daw itong “kuwento”, “kuwenta”, at “lalim”
Hindi biro ang itinaya ng beauty queen-turned-actress na si Cindy Miranda nang tanggapin niya ang kanyang role sa pelikulang “Adan”; kung saan hindi karaniwan, mapangahas ang tema, at si Rhen Escaño na isang kapwa babae ang kanyang makakapareha.

Sa kabila nito, masasabi raw ng nagwaging Binibining Pilipinas Tourism 2013 na isang karangalan ang bumida sa pelikulang ito, kahit pa kinailangan niyang lumayo sa imahe ng isang “Binibini”.
“May kuwento. May kuwenta. May lalim (ang pelikula),” ani Cindy sa media conference ng “Adan”.
Bukod pa rito, talaga raw ibinuhos nila ni Rhen ang lahat ng kaya nilang ibigay para mabigyan ng hustisya ang isang napakagandang istorya at ang kani-kanilang mga ginagampanang karakter.
“Ibinigay po talaga namin. Makikita n’yo po sa pelikula, ibinigay po talaga namin….Gusto lang namin magkuwento ng napakagandang kuwento,” ani Cindy .
“For the sake of art lahat ng ginagawa namin,” dugtong naman ni Rhen.
Ang pelikulang “Adan” ay umiikot sa kuwento ng magkababata at matalik na magkaibigang sina Ellen (Rhen) at Marian (Cindy). Nang makawala si Ellen sa kanyang ama, tumira ito kina Marian at doon na nila naramdaman na nagbabago na ang tingin nila sa isa’t isa. Gayunman, mayroong isang pangyayari na susubok sa kanilang pagsasama at magsisimula silang magduda sa katapatan ng bawat isa.

Mula sa istorya ni Yam Laranas at sa direksyon ni Roman Perez, Jr., ipalalabas na ang “Adan” sa mga sinehan simula sa darating na November 20.
Wika ni Cindy, iimbitahin niya ang ang kanyang mga kaibigan sa Binibining Pilipinas na manood ng kanilang pelikula. Tiniyak din niyang suportado siya ng kanyang mga Binibining Pilipinas sisters.
Silipin ang media conference ng “Adan”: