Makulay na yugto: Noong bidang-bida ka sa klase kapag marami kang crayons

Image via Batang Pinoy - Ngayon at Noon. | Facebook
  • Maging ang simpleng gamit sa paaralan ay nakapaghahatid ng labis na tuwa 
  • Sa post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga sandali kung saan bidang-bida sa paaralan ang mga estudyanteng may box of 64 crayons
  • Para sa mga “young once”, ipinapakita lamang nito kung gaano kasaya ang kanilang kabataan sa kabila ng pagiging simple nito

Natatandaan mo pa ba ang panahon kung kailan nagiging “instant celebrity” ka sa eskwela dahil sa dami ng dala mong pangkulay o crayons?

Image capture from Facebook

Simple lamang daw ang lahat noon. Maging ang simpleng gamit sa paaralan ay nakapaghahatid ng labis na tuwa sa mga bata — katulad na lamang ng isang malaking kahon ng crayons. Ang mas madalas kasi noong ibili sa mga estudyante ay ang box of eight or box of 16 crayons, kaya naman bidang-bida sa klase ang estudyanteng mayroong 64 na kulay.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga sandali kung saan bidang-bida sa paaralan ang mga estudyanteng may maraming crayons.

“Ikaw ang bida sa klase, kapag inilabas mo na ito!” saad ng admin ng page — isang pahayag na sinang-ayunan naman ng mga social media users na “naka-relate” daw dito.

“Nakagamit ako niyan. Nakatutuwa kasi ang daming kulay na pagpipilian,” pagbabalik-tanaw ng Facebook user na si Susan Ruth Andres Macazo.

“Yes, dekada 70, elementary days namin. Kami ang sikat dahil mayroon kami nito na 64 ang laman,” kuwento ni Maria Tibon.

Image via Pixabay

Pagbabahagi naman ni Cel Ga, “Pangmayaman na ‘yan hehehe! Waluhan nga ‘di namin kayang bilhin. Nakatutuwa lang na naipo-provide ko sa mga anak ko lahat ng kailangan nila sa school, unlike dati na hirap na hirap ang buhay namin noong kabataan ko.”

Para sa mga “young once”, ipinapakita lamang nito kung gaano kasaya ang kanilang kabataan sa kabila ng pagiging simple nito; sa kabila ng kawalan ng mga gadgets at iba pang high tech na bagay na katulad ng mga libangan ng mga bata ngayon.