
- Isa ang pasalubong sa mga inaabangan ng mga bata mula sa kanilang mga magulang
- Noong 1990s, isa sa mga pagkain na madalas iuwi sa mga bata ay ang pineapple pie na ngayon ay itinuturing nang “klasik” ng mga bata noon na ngayon ay nasa 30s na
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, nagbalik-tanaw ang marami sa mga panahong pinasasaya sila ng pasalubong na ito
Hanggang ngayon –kahit moderno na ang panahon– ay isa ang pasalubong sa mga inaabangan ng mga bata mula sa kanilang mga magulang.

Milk tea? Frappe? Burger? Cake? Cupcakes? Fries? Pizza? Ano pa ba ang madalas abangan ngayon ng mga bata sa tuwing aalis ng bahay ang kanilang mga magulang?
Noong 1990s, may mga pagkain din na nagbibigay ng tuwa sa mga bata sa tuwing inuuwian sila ng kanilang mga magulang. Isa sa mga madalas iuwi sa mga bata ay ang pineapple pie na ngayon ay itinuturing nang “klasik” ng mga bata noon na ngayon ay nasa kanilang 30s na.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, nagbalik-tanaw ang marami sa mga panahong pinasasaya sila ng pasalubong na ito. Tanong ng admin sa caption ng larawan, “Isa sa inaabangan natin noon ‘pag galing palengke ang nanay. Tanda mo ba ito, kadekada?”
“Yes, pineapple pie! Inaabangan ko pasalubong ng nanay,” tugon ng Facebook user na si Jean Ferl.
“Binibili ng nanay ko sa aming magkakapatid sa tuwing namamalengke,” ani Marissa Isiderio Faustino.
“Pineapple pie, tatak ng pagmamahal ni ina. Thanks, Mama, sa masarap na alaala ng kabataan ko. Kahit barya na lang pera mo, ‘di mo ‘yan nakakalimutang bilhin,” kumento naman ni Maria Ryjenah Buena.

Hanggang ngayon daw ay hinahanap-hanap pa rin ng marami ang pagkaing ito. Sabi naman ng iba, may ilang bakeshop pa rin na nagtitinda nito ngunit hindi na raw kasing sarap ng kinakain nila noon.