
- Nagbigay-inspirasyon ang top 2 ng November 2019 Civil Engineer Licensure Exam
- Makikita sa isang Facebook post na sa isang maliit na mesang nakapatong sa kutson nag-aaral noon si Jeremy Recinto Rifareal habang naghahanda sa pagsusulit
- Si Rifareal ay nagtapos sa Polytechnic University of the Philippines-Lopez
Minsan, hindi mahalaga kung ano ang gamit mong sandata. Ang mahalaga ay kung paano ka lumaban; kung gaano ka nagsumikap, kung gaano katindi ang determinasyon mo, kung gaano kalaki ang ibinigay mo, hindi lamang para sa sarili mo kung hindi para sa mga nagmamahal at naniniwala sa iyo.

Naghatid ng inspirasyon ang top 2 ng November 2019 Civil Engineer Licensure Examination na si Jeremy Recinto Rifareal matapos ibahagi ng kanyang kaanak sa Facebook ang mga litrato niya noong nagrerebyu pa lamang siya para sa pagsusulit. Makikita na sa isang maliit na mesa lamang na nakapatong sa kutson nag-aaral noon ang Polytechnic University of the Philippines-Lopez graduate.
“Sino mag-aakala na ang ganyan klase ng pagre-review ay magiging top 2 sa Civil Engineer Licensure Examination? Sa maliit na lamesa sa lapag nakaupo, mga reviewer na nakadikit sa dingding, ilaw na ni-repair lang, at minsan may istorbo pang makulit na aso na kailangan n’ya kamutan para patulugin,” ani Emma Rifareal sa kanyang post na may mahigit 15,000 reactions at lampas 8,000 shares, as of posting.
Sa isang hiwalay na post, nagbigay-pugay siya sa kanyang kuya, ang ama ni Jeremy. Wika ni Emma, walang iniinda at labis ang pagsisikap ang kanyang kuya upang maitaguyod ang pamilya; sa kabila ng pagbabawal dito na magtrabaho dahil sa iniindang problema sa kalusugan.

Bukod sa sariling pagsisikap, ang kanyang payak na “study area”, ang makulit ngunit malambing na alagang aso, ang masipag na ama, at ang mapagmahal na pamilya ang mga dahilan kaya isa na ngayong inhinyero si Jeremy. Sadya ngang wala sa mga material na bagay ang tunay na kayamanan ng isang idibidwal.