‘Kendi na, sipol pa’: Whistle candy, isa sa mga nagpasaya noon sa batang 90s

Image via Batang Pinoy - Ngayon at Noon. | Facebook
  • Kinahiligan noon ng mga batang 90s ang pagbili ng whistle candy
  • Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga alaalang kakabit ng popular noon na whistle candy
  • Anila, sulit na sulit ito dahil bukod sa may kendi na sila, mayroon pa silang laruan, idagdag pa ang presyong abot-kaya talaga

Nagpasipol ka rin ba gamit ang popular na whistle candy noong dekada 90?

Image capture from Facebook

Kinahiligan noon ng mga batang 90s ang pagbili ng whistle candy na bukod sa nakakain nila ay napaglalaruan pa. Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga alaalang kakabit ng popular noon na whistle candy. Anila, sulit na sulit ito dahil bukod sa may kendi na sila, mayroon pa silang laruan; idagdag mo pa ang presyong abot-kaya at ang dami ng mabibilhan nitong tindahan.

“‘Yong sumisipol ka habang nagkekendi,” saad ng admin ng page sa caption ng larawang ibinahagi nito.

Maraming social media users ang napa-#thr0wback dahil sa litrato at sa caption nito. Hindi raw makalilimutan ng mga batang 90s ang kendi na ito dahil labis na tuwa ang hinatid nito sa kanila, lalo sa tuwing sumisipol gamit ito.

“Yes! Naaalala ko pa noong bata pa ako, kumain ako niyan tapos sumisipol ako, tapos bigla kong nalunok ‘yong kendi. Ang sakit sa lalamunan!” pagbabalik-tanaw ng Facebook user na si Mirrah Galla.

“Lagi ko ‘yang binibili noong nasa elementary ako. Pinapasalubong ko sa mga kapatid ko,” ani Annjanette De Luna.

“Ang bango niyan at talagang masarap. Hindi kamukha ng mga candy ngayon,” kumento ni Dhona Caperlac Alo.

Image capture from Facebook

May mga nagkumento rin na nakakakita pa sila nito minsan ngunit hindi na raw katulad ng dati ang lasa nito at napakahirap na rin makahanap ng nagtitinda nito.