‘Ganiyan dapat!’ Mga donasyong walang pangalan ng politiko, hinangaan ng publiko

Images via Dawood Abdullah | Facebook
  • Hinangaan ng publiko ang ilang truck na naglalaman ng mga donasyon para sa mga biktima ng sunod-sunod na pagyanig kamakailan
  • Sa halip kasi na pangalan ng nanunungkulan ang ilagay ay “from the people” ang nakasulat sa mga tarpaulin na nakakabit sa trucks
  • Tama raw ito sapagkat hindi naman pera ng nanunungkulan ang ginagamit na pantulong kung hindi ang kaban ng bayan

Naging normal na lamang sa atin na makakita ng pangalan ng mga politiko kung saan-saan; sa basketball court, sa bangketa, sa mga donasyon, at iba pa.

Image capture from Facebook

Kaya naman marami ang natuwa nang may mag-upload ng mga larawan ng mga truck na naglalaman ng donasyon para sa mga biktima ng sunod-sunod na pagyanig kamakailan Facebook. Sa halip kasi na pangalan ng nanunungkulan ang ilagay ay “from the people” ang nakasulat sa mga tarpaulin na nakakabit sa trucks.

“Ganito dapat, ‘from the people’. Hindi ‘yung pangalan nilalagay,” saad ng nag-post na si Dawood Abdullah sa caption ng mga litratong kanyang ini-upload.

Sang-ayon sa kanya ang mga nag-share ng post. Tama raw ito sapagkat hindi naman pera ng nanunungkulan ang ginagamit na pantulong kung hindi ang kaban ng bayan.

“Ganiyan, h’wag dapat ‘yong pangalan ng mga pulitiko dahil pera ng taong bayan ‘yan at hindi sa inyo,” saad ng netizen na si Herben Lamela Rendon sa caption ng shared post niya.

“From the people for the people,” wika ni Onin Tanco.

“It’s not your own money. It’s people’s money. Dapat ganiyan lang,” sabi ni Dhenz Calunsod.

Image via Pixabay

As of posting, nakakuha na ang post ni Abdullah ng lampas 8,400 reactions at mahigit 23,000 shares. Hangad ng social media users na magsilbi itong inspirasyon at magandang halimbawa sa mga namumuno at sa iba pang mga nais tumulong.

Ang totoo, may pangalan ka man o wala sa mga ibibigay mong donasyon, hindi naman magbabago ang intensyon ng iyong pagtulong.