Fast food chain sa Katipunan, may wireless phone charging service para sa mga customer

Imahe mula kay Robbie David via Facebook
  • Isang fast food chain sa Katipunan ang may mga wireless phone charging service para sa kanilang customers
  • Sa post ng isang netizen, ibinida at pinuri niya ang wireless phone charging na nakalagay mismo sa mga lamesa ng fast food chain
  • Iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang natanggap ng post na ito na mayroon nang 14,000 shares sa Facebook

Ang patuloy na pagsulong ng modernisasyon sa ating lipunan ay hatid ng pag-unlad ng teknolohiya.

Imahe mula Hits and Mrs via Facebook page

Maraming benepisyo ang naibibigay ng teknolohiya sa pang araw-araw nating gawain: bumuti ang komunikasyon dala ng mga gadgets at Internet, marami nang makina ang tumutulong at nagpapagaan sa trabaho ng tao, at marami pang iba.

Habang marami nang industriya ang ginagamit at sinasamantala ang pag-unlad ng teknolohiya, nalalaman naman ito ng maraming tao dahil ipinapahayag at ibinabahagi sa mga social media sites.

Katulad na lamang ng pag-viral ng video ng isang kilalang fast food chain dahil sa “futuristic” nitong paraan ng pagkuha at pagdala ng mga inorder ng customers.

Inilunsad kamakailan ang kauna-unahang “self-ordering kiosk” ng isang branch ng Jollibee sa Cebu. Tungkulin nito na kunin ang orders ng customers nang hindi na kinakailangan pumila sa counter.

Bukod sa digital kiosk, ipinakilala din ng Jollibee  ang pinakabagong “Overhead Transport System” para naman mapabilis ang pagkuha at pagbigay ng takeout orders.

Imahe mula SunStar Cebu via Facebook

This is part of Jollibee’s commitment to continuing to delight our customers and enhancing our customer experience,” pagbabahagi ni Trisha Raffiñan, senior trade marketing manager ng Jollibee Visayas.

Ngunit hindi rito nagtatapos ang modernisasyong hatid ng Jollibee, dahil naglagay na rin sila ng mga wireless charging station para sa gamit na smartphones ng customers.

Itinampok ni Robbie David sa kaniyang Facebook post ang tungkol sa wireless phone charger na ito na makikita naman sa Jollibee Katipunan branch.

Ang wireless phone chargers ay nakakabit mismo sa lamesa ng nasabing food chain. Ang kailangan lang gawin ng customer ay ipatong ang kaniyang smartphone at automatic na itong macha-charge.

Maraming netizens naman ang natuwa sa pinakabagong innovation na ito na hatid ng Jollibee. Ang iba naman ay nagbabala na kailangang bantayan maigi ang gadget na ipapatong sa wireless phone charger dahil maaari itong manakaw o makalimutan mismo ng may-ari.

Imahe mula kay Robbie David via Facebook