
- Libangan noon ng mga bata ang pagbabakat ng mga barya gamit ang papel at lapis
- Madalas itong gawin kapag may bakanteng oras sa paaralan o maagang natapos sa ginagawa; may mga gumagawa rin nito sa bahay
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., nagbalik-tanaw ang maraming social media user na naging libangan noong kabataan nila ang gawaing ito
Isa sa mga libangan noon ng mga bata ang pagbabakat ng mga barya gamit ang papel at lapis.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, nagbalik-tanaw ang maraming social media users na naging libangan noong kabataan nila ang gawaing ito.
“Kumpleto ang kabataan mo kung nagawa mo ‘to,” saad ng nakasulat sa imaheng ini-upload ng page.
Madalas itong gawin kapag may bakanteng oras sa paaralan o maagang natapos sa ginagawa; may mga gumagawa rin nito sa bahay bilang pampalipas ng oras kung wala naman masyadong takdang-aralin.
“Yes po, during my elementary days. Palaging humihingi ng pambili ng lapis at bond paper kina nanay at tatay,” tugon ng social media user na si Celerina Mejos Sabado.
“Ako, nagawa ko na ‘yan noong elementary. ‘Pag wala kang magawa noong kabataan mo, dudukot ka sa bulsa mo ng barya tapos ibabakat mo sa papel,” pagbabahagi ni Robert Escopete.
“Yes na yes po! Lagi ko ginagawa iyan noon! Ang ganda kasing kaskasin kasi po natutuwa ako dahil humuhubog pera na siya at ginugupit ko kase parang pera na ang itsura n’ya, ‘di ba po, kadekada?” kumento naman ni Wengski Caparas.

May mga nagsabi rin na sa paraang ito, nararamdaman nila na marami silang pera kahit ang totoo ay barya lamang ang mayroon sila sa bulsa.
Ikaw, ginawa mo rin ba ito noong bata ka? Ano ang hindi mo makalilimutang alaala na may kinalaman sa gawaing ito? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section!