Balik-tanaw: Bago ang Korean dramas, naunang nakilala ang Mexican telenovelas

Imahe kuha mula sa video ng Marimar World Pilipinas via YouTube channel
  • Inalala sa isang Facebook page ang pagiging tanyag noon ng aktres na si Thalia at ang mga Mexican telenovelas na ipinalabas sa telebisyon
  • Karamihan sa mga tumatak na telenovelas na ito ay ang Marimar, Maria Mercedes, at Maria la del Barrio
  • Dahil na rin dito, nagkaroon din ng remake sa Pilipinas ang iba sa mga naging tanyag na Mexican telenovelas
Imahe kuha mula sa video ng Marimar World Pilipinas via YouTube channel

Isa ka rin ba sa mga tumutok sa Tagalog-dubbed Mexican telenovelas noong 1990s?

Humataw sa takilya ang mga palabas noon na mula Mexico at binosesan lamang ng Tagalog upang maintindihan ng mga Pinoy.

Lubos na napamahal sa mga Pinoy ang Mexican telenovelas, kabilang na ang Maria Mercedes na ipinalabas noong 1992, Marimar noong 1994, Maria del Barrio noong 1995, Rosalinda noong 1999 at marami pang iba.

Bago pa man ipalabas ang mga ito sa ABS-CBN network, ang channel na RPN-9 pa noon ang unang naglabas ng mga Tagalog-dubbed na Mexican telenovelas. Hanggang sa ang mga ito ay ipinalabas na rin sa ibang network.

At sino nga sa mga matatanda ngayon at mga batang 1990s ang hindi nakakakilala kay Ariadna Thalía Sodi Miranda o mas kilala sa tawag na Thalia? Ang Mexican actress na gumanap sa mga nasabing telenovelas na pumatok sa mga Pinoy.

Maraming Pinoy fans ang humanga kay Thalia na siyang gumanap sa tauhan na “Maria” sa tatlong telenovelas na: Maria Mercedes, Marimar, at Maria del Barrio.

Imahe kuha mula sa video ng Marimar World Pilipinas via YouTube channel

Sa katunayan, noong dumalaw si Thalia dito sa Pilipinas noong 1996, pinagkaguluhan siya ng maraming Pinoy fans at ng media.

Sa Facebook page na Kami ang Batang 90’s, sinariwa ang pagdating dito ng aktres na nagkaroon umano ng parada upang siya’y masilayan ng maraming Pinoy fans.

Sa larawan na ibinahagi ng Facebook page, makikita si Thalia habang nakasakay sa isang sasakyang pantubig habang pumaparada sa Marikina River.

Nilagyan ang litrato ni Thalia ng caption na: Dinumog ng LIBO-LIBONG PILIPINO, Ganyan siya ka-TANYAG sa PILIPINAS noong 90s

Imahe mula Facebook

Dahil sa litrato, maraming Pinoy netizens ang sumariwa sa alaala ng pamamayagpag ng Mexican telenovelas at ni Thalia:

I remember this because I caught the MariMar and Thalia fever. Bought many CDs, DVD, magazines of hers and watched her two concerts live.

If I remember correctly, sa sobrang kasikatan niya, may mga villages and subdivisions ang pinangalan sa character niya na Marimar.

Naalala ko nung pumunta siya dito sa Pinas, pupuntahan sana namin siya ng mama ko kaso lang sa dami ng tao hindi na kami makalapit.

Sa kasikatan ng mga Mexican telenovelas ay ginawan na rin ito ng sariling bersiyon dito sa Pilipinas tulad ng Marimar (2007) na ginampanan ni Marian Rivera at Maria la del Barrio (2011) na si Erich Gonzales naman ang gumanap.