Balik-tanaw: Ano’ng paborito mong kunin sa biskwit na laman ng ‘Happy Time’

Image via Batang Pinoy - Ngayon at Noon. | Facebook
  • Klasik pasalubong ng mga umuuwi sa probinsya ang “Happy Time Assortment” o ang parang timbang sisidlan na may lamang iba’t ibang klase ng biskwit
  • Bata man o matanda ay may kanya-kanyang paborito mula sa mga klase ng biskwit na laman nito
  • Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., inalala ng mga social media user ang mga paborito nilang biskwit sa classic biscuit mix na ito

Sino ba ang makakalimot sa “Happy Time Assortment”, ang klasik na pasalubong ng mga umuuwi noon sa probinsya?

Image capture from Facebook

Ang “Happy Time Assortment” ay isang parang timbang sisidlan na may lamang iba’t ibang klaseng biskwit. Bata man o matanda ay may kanya-kanyang paborito mula sa mga klase ng biskwit na kabilang sa pagpipilian mo kapag bumili ka nito.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., inalala ng mga social media user ang mga paborito nilang biskwit sa classic biscuit mix na ito o ang tinatawag na “pasalubong ng galing Maynila”.

“Sikat ka na sa probinsya noon kapag may pasalubong ka na ganito, ta’s pila-pila magpipinsan kapag bigayan na. Ang saya pa noon kasi ginagawang games,” pag-aalaala ni Ada Lovelace.

“Sa ‘min, kapag bumibili kami ng ganito, palaging ‘yong Fita at Marie ‘yong natitira. Tapos ‘yong wafer at Hi-Ro ang nauunang maubos,” pagbabahagi ni Jolie Fe Bandibas.

“Laging pasalubong ‘to ng lolo namin. Mag-uunahan kaming magkakapatid or magpipinsan sa chocolate ta’s ‘pag naubos na, wapakels (walang pakialam) na,” kuwento naman ni JM Gatus.

Samantala, naalala naman ng iba na ang lalagyan ng biscuit mix na ito ay madalas gawing sisidlan ng kung ano-ano para mapakinabangan pa ito pagkatapos maubos ang laman.

Image capture from Facebook

Ikaw, ano ang paborito mo sa mga biscuit na nasa loob nito? May mga alaala bang bumalik sa iyo nang mabasa mo ito? Ibahagi ang iyong kuwento!