Aso na naghihintay ng tirang pagkain sa carinderia, kinahabagan ng netizens

Imahe mula kay Renz Sy via Facebook
  • Ibinahagi ng netizen ang larawan ng isang aso habang ito ay naghihintay sa carinderia
  • Ang asong ito ay matiyagang naghihintay sa mga kumakain at tila nagmamakaawa upang siya ay bigyan ng mga tirang pagkain
  • Ang larawan na ito ay kinahabagan ng maraming netizens, at pagkatapos ma-post ay mayroon nang kumupkop sa nasabing aso
Imahe mula kay Renz Sy via Facebook

Hindi natin maipagkakaila na malaking impluwensya na ang nabibigay ng mga social media tulad ng Facebook at Instagram sa ating modernong lipunan.

Sa katunayan, madali nang mag-viral ngayon ang mga litrato at video, mabuti o masama man ang mensaheng hatid nito. Nagiging daan ito upang magpahiya ng estranghero o ‘di kaya ay makatulong sa ibang tao.

Walang pinipiling tao, lugar, bagay, o maski hayop ang maaaring mag-viral sa social media. Iba’t ibang reaksyon din ang ipinapabatid ng mga netizens sa mga nagva-viral; maaaring tuwa, galit, lungkot, o pagkahabag.

Tulad na lamang ng nag-viral na litrato ng isang aso kamakailan na nakalulungkot pagmasdan dahil sa nakahahabag nitong kalagayan. Ngunit dahil sa pagiging viral nito ay may mga taong tumulong sa nasabing aso.

Ibinahagi ni Renz Sy sa Facebook ang mga litrato ng asong kalye habang matiyaga itong naghihintay sa isang carinderia sa Dasmarinas, Cavite. Makikita sa mga litrato ang aso habang ang ulo nito ay nakapatong sa upuan at tila may lungkot sa mukha.

Imahe mula kay Renz Sy via Facebook

Ayon kay Renz, naghihintay umano ang aso ng tira-tirang pagkain na ibibigay sa kaniya ng mga kumakain sa Ranchos Dasma. Ang post na ito ay mayroon nang mahigit 26,000 reactions at 35,000 shares.

Wala pang isang araw pagkatapos mag-viral ng mga litrato ay sinabi ni Renz na mayroon na raw umampon sa nasabing aso, ayon na rin sa mga staff ng kainan.

Hope lahat ng stray animals will end like this, hindi dahil nagtrend lang sila kaya papansinin but because they deserve right treatment and to be loved,” ani Renz.