
- Bukod sa mga laruan at mga kaibigan, kabilang din sa mga nagbibigay-kulay sa pagkabata ang mga kinakain nila, katulad ng mga paborito nilang kendi
- Kabilang sa mga kending ito ang Snow Bear, Kendi Mint, Babble Joe, Vi-Va, Nougat
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng netizens ang mga alaalang kakabit ng mga popular na kendi noong 1990s
Bukod sa mga laruan at mga kaibigan, kabilang din sa mga nagbibigay-kulay sa pagkabata ang mga kinakain nila; mga pagkaing naging bahagi na ng kanilang sistema at may kakabit nang mga alaala.

Dahil sa larawan na ini-upload ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang mga alaalang kakabit ng ilan sa mga popular na kendi ng 1990s: ang Snow Bear, Kendi Mint, Babble Joe, Vi-Va, at Nougat.
“Kendi Mint at Vi-Va! Minsan Snow Bear, kapag meron ako nakikita sa bulsa ng tatay ko,” pagbabalik-tanaw ng Facebook user na si Shirley Leocadio.
“Lahat nakain ko na ‘yan noong bata ako, tapos ‘yung balot niyan ay ginagawa naming pera-perahan. Iyong Snow Bear, P100. ‘Yong Kendi Mint, P5. Tapos Vi-Va, P20. Mayro’n pa, ‘yong lips, P50, wala riyan,” pag-alaala ni Irene Prodon.
“Lahat ‘yan nakain ko pero masarap ‘yong Vi-Va. ‘Yan lagi binibili ko sa school kasi mura lang, piso lang ba naman baon ko noon. Sa’n ka pa riya? Pero masaya ako,” pagbabahagi ni Monte Perez Vicencio.
Samantala, ibinahagi rin ng iba ang mga ayaw at gusto nila pagdating sa lasa ng mga kendi na ito. May mga nagbahagi rin ng paborito nilang kendi na wala sa litrato.

Tunay na hindi nakalilimot ang mga bata sa mga bagay na minsa’y nagpangiti at nagpasaya sa kanila; lumipas man ang maraming taon, tumanda man sila at maging abala.