Alexa Ilacad, Dean’s Lister sa katatapos na semester

Imahe mula kay Alexa Ilacad via Instagram
  • Ibinalita ni Alexa Ilacad sa kaniyang social media account na siya ay nagtapos bilang Dean’s Lister sa katatapos lamang na semestre
  • Sa kaniyang Certificate of Recognition, makikitang mayroong general weighted average (GWA) si Alexa na 1.45
  • Pinasalamatan ni Alexa ang kaniyang mga guro, kamag-aral, at ang Maykapal dahil sa kanilang patnubay upang makamit niya ang karangalan
Imahe mula kay Alexa Ilacad via Instagram

Hindi madali ang buhay artista, at ito ay palagi nilang ibinabahagi sa mga panayam o kapag ibinabahagi nila ang mga karanasan at sakripisyo para lamang maging artista.

Dahil sa kabi-kabilang schedule ng tapings, shootings, mall shows, at kung ano-ano pa, mahirap para sa artistang nag-uumpisa pa lamang sa industriya ang pagsabayin ang showbusiness at ang pag-aaral. Ngunit kahit na ganito ang kalagayan ng ibang mga artista, mayroon pa ring mga nakapagtatapos ng kanilang pag-aaral sa kabila ng kaliwa’t kanang commitment.

At isa na nga sa mga artistang ito ay si Alexa Ilacad, na bata pa lang ay nag-umpisa na sa pag-aartista.

Hindi lamang pinagsasabay ni Alexa ang showbiz at pag-aaral, nakamit at napanatili rin niya ang pagiging “Dean’s Lister” sa unibersidad na kaniyang pinapasukan.

Imahe mula kay Alexa Ilacad via Instagram

Si Alexa ngayon ay isang sophomore na kumukuha ng kursong Marketing Major sa Treston International College. At ngayong katatapos lamang ng pangalawang semestre, ay nanatili ang aktres bilang isang Dean’s Lister.

Sa kaniyang Instagram account, ibinahagi ni Alexa ang kaniyang litrato habang hawak-hawak ang Certificate of Recognition na kaniyang natanggap bilang isang Dean’s Lister.

Imahe mula kay Alexa Ilacad via Instagram

Sa certificate ay makikitang mayroong 1.45 general weighted average (GWA) ang 19 anyos aktres.

Ang nasabing litrato ay nilagyan ni Alexa ng caption na: Dean’s lister once more. I didn’t think I’d be able to achieve this again because of my crazy work schedule, but with God’s grace & guidance from my classmates and teachers, I feel victorious.

Bilang working student, hindi naging balakid sa kaniyang pag-aaral ang busy schedule lalo na at isa siya sa mga cast ng teleseryeng “The Killer Bride” ng ABS-CBN.

Congrats, Alexa!