90s memories: Ang ‘grow-in-water toys’ na nagdala ng malaking tuwa sa mga bata noon

Image capture from Robert Brackett's YouTube video
  • Kabilang sa mga kinaaliwan ng mga batang 90s ang “grow-in-water toys” na usong-uso noon
  • Gawa sa isang superabsorbent polymer, ang expandable water toys na ito ay madalas sa porma ng mga hayop  katulad ng dinosaur, ahas, at isda
  • Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng maraming social media users ang mga alaalang kakabit ng lumalaking laruang ito na nagpamangha sa kanila nang husto

Nahilig ka rin ba noon sa “grow-in-water toys”? Iyong maliliit na laruang hayop na lumalaki kapag ibinabad sa tubig?

Image capture from Facebook

Kabilang sa mga kinaaliwan ng mga batang 90s ay ang “grow-in-water toys” na usong-uso noon. Gawa sa isang superabsorbent polymer, ang expandable water toys na ito ay madalas na kahugis ng mga hayop — katulad ng dinosaur, ahas, at isda — at mabibili kung saan-saan, maging sa mga nagtitinda sa labas ng mga paaralan.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng maraming social media user ang mga alaalang kakabit ng lumalaking laruang ito na nagpamangha sa kanila nang husto.

Saad ng admin ng page, “Kaway-kaway sa mga nag-aalaga nito dati!”

“Mayroon ako niyan dati, elementary days!” tugon ng social media user na si Kevin Jusayan Solana. “Binababad ko sa maliit na palanggana sa gabi tapos kinabukasan ay maaga ako gigising para tingnan.”

“Ang dami ko inalagaan niyan noon!” pagbabahagi ni Marwin Matubang.

“Iyong tinitipid mo ‘yong allowance mo noon para makabili ka ng ganiyan. Pagtulog mo, ibababad mo sa basong may tubig tapos paggising mo malaki na. Nakaka-miss!” pagbabalik-tanaw ni Odeng Miguel Cabasi.

Image capture from Facebook

Ang sarap balikan ng mga panahong pinanonood at hinihintay lamang natin ang paglaki nito, hindi ba?  Mas simple ang mga laruan noon kumpara sa mga modernong laruan ngayon, ngunit hindi pahuhuli ang mga ito kung tuwa at masasayang alaala ang pag-uusapan.