Pagseselos nagiging dahilan para tayo ay mapagastos, ayon sa pag-aaral

  • Sa isang relasyon ay hindi maiiwasan ang makaramdam ng selos para sa kinakasama
  • Ngunit ayon sa isang pag-aaral, ang pagiging seloso o selosa umano ay magastos dahil sa nais nilang kunin ang atensyon ng karelasyon
  • Ang pag-aaral na ito tungkol sa selos ay hindi lamang para sa magkasintahan kundi maski sa kahit anong relasyon
Imahe mula Shutterstock

Ayon sa paniniwala ng ibang tao, hindi mo umano lubos na mahal ang iyong karelasyon hangga’t wala kang pinagseselosang tao na malapit sa kaniya.

Maaaring ganito ang sitwasyon ng maraming magkasintahan sa alin mang bahagi ng mundo, dahil isa ang selos sa mga pagsubok na kinakaharap ng magkarelasyon.

Iba-iba ang dahilan ng pagseselos ng isang tao. Maaaring ito ay dahil sa katrabahong babae o lalaki na napapalapit sa iyong partner, sa taong kaniyang tinititigan na waring may pagnanasa habang kayo ay magkasama, o iyong ka-chat niya at pinusuan pa ang litrato sa social media.

Hindi mabuti sa relasyon ang pagseselos, dahil isa ito sa mga nagiging dahilan ng paggawa ng hindi mabuting bagay o ‘di kaya ay tuluyang paghihiwalay.

Imahe mula Shutterstock

Maraming mga hindi magagandang bagay ang naidudulot ng selos sa isang tao. Bukod sa pagiging OA, overthinker, at pagka-praning, ito rin ang nagiging dahilan kaya nawawalan ng tiwala ang isang tao sa kaniyang karelasyon.

Ngunit hindi lang pala mentalidad ang naaapektuhan ng selos, kundi pati na rin ang pagwaldas ng pera ng isang tao. Ito ay ayon sa isang pag-aaral l na lumabas sa Journal of Consumer Psychology. Ayon dito, ang matinding pagseselos umano ay may malaking epekto sa paggastos ng isang tao sa mga bagay-bagay.

Nagsagawa ng limang eksperimento ang mga mananaliksik mula Nanyang Technological University sa Singapore na may kinalaman sa magkarelasyon at kanilang nararamdamang selos.

Sa resulta ng pag-aaral, lumabas na ang mga taong nagseselos ay may tendensiya na kunin ang atensyon ng kanilang partner sa pamamagitan ng pagbili ng mga mamahaling bagay o paggastos para sa pisikal na katangian.

Imahe mula Shutterstock

Upang makuha ang atensyon ng kanilang mga karelasyon at mailayo ito sa taong kanilang pinagseselosan, bumibili ang nobyo o nobya ng mga mamahaling bagay tulad ng make-up o alahas para sa mga babae o ‘di kaya ay damit at sapatos para naman sa mga lalaki.

Ayon din sa pag-aaral, ang resulta ay hindi lang naaangkop sa isang relasyon kundi pati na rin sa trabaho o pamilya.

Nakararamdam ng selos ang isang empleyado kung pakiramdam niya ay mas malapit ang loob ng isa niyang katrabaho sa kanilang boss kumpara sa kaniya. At dahil dito, maaaring bumili ang empleyadong iyon ng mga bagay na magpapalubag-loob sa kaniya o ‘di kaya ay kumain sa masasarap na restaurant.

Kaya naman kapag ikaw ay nakaramdam ng selos, mabuti nang lumayo sa mga malls, online shopping sites, at restaurants upang makaiwas sa gastos. Tandaan na ang pagmamahal ay hindi nabibili ng pera. Magtiwala lamang sa partner at huwag laging pairalin ang selos.

Sources: Female Network


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: