Kauna-unahang Korea Pinoy International Film Festival, matagumpay na naidaos

  • Matagumpay na ginanap ang kauna-unahang Korea Pinoy International Film Festival (KPIFF) kamakailan lang sa South Korea
  • Itinanghal dito ang mga Filipino films at mga short films na gawa ng mga Filipino at Korean directors pati na rin ng mga estudyante
  • Ginanap ang KPIFF sa ika-100 taon ng Philippine Cinema at ika-70 taon naman ng Korea-Philippines diplomatic relations
Imahe mula KPIFF

Sa panahon ngayon, hindi na maipagkakailang malaki na ang naging impluwensya ng kultura ng Korea dito sa Pilipinas. Sa katunayan ay maganda ang relasyon ng Korea at ng Pilipinas.

Kaya naman hindi lang tayo ang nabibigyan ng epekto ng Korean “fever,” kundi may mga pagkakataon din na itinatampok natin sa mga Korean ang kagandahan ng ating kultura at yaman ng industriya.

Isa sa mga pagkakataon na naipapakita natin sa mga Korean ang ating galing ay sa katatapos lamang na Korea Pinoy International Film Festival (KPIFF).

Imahe mula KPIFF

Sa pangunguna ng KPIFF director na si Nash Ang, actor-filmmaker, at iba pang Pinoy artists na nasa Korea, isinulong ang kauna-unahang KPIFF sa Arirang Cine Center sa Seoul, South Korea.

Pinalabas sa festival na ito ang iba’t ibang Pinoy films tulad ng The Secret of Philippine Peso ni Perry Escaño; You With Me ni Rommel Ricafort; The Bus, isang documentary drama; at ang special screening ng“Hello, Love, Goodbye” ni Cathy Garcia-Molina.

Ngunit ang pangunahing bahagi ng festival ay ang pagtatampok ng mga short films na gawa ng mga Filipino at Korean directors at maski ng mga estudyante mula sa MAPUA University. Isang buong taon ang naging preparasyon para KPIFF. Ang pagpapalabas sa festival ay tumagal ng tatlong araw.

Ang pitong short films na itinanghal ay mayroong mga English subtitles upang maintindihan ng mga Koreans. Ang mga pelikula na ito ay may temang “migration” na tinalakay ang mga isyu na may kinalaman sa domestic at international migration.

Imahe mula KPIFF

Ayon kay Nash Ang, KPIFF director, at sa Ambassador of Philippine Embassy in Korea, marami umanong mga grupo mula sa Pilipinas at Korea ang nagtulong-tulong at nagbigay ng suporta upang maging matagumpay ang KPIFF.

I’m glad it turned out very well even with its shortcomings. With the theme of ‘migration,’ we aimed to achieve social inclusion of overseas Filipinos through cultural awareness of Philippine cinema across borders,” saad ni Ang sa isang panayam ng GMA News Online.

Sa huling araw ng KPIFF ay nagkaroon ito ng red carpet night na dinaluhan ng mga Korean at Filipino actors, producers, directors, ng Filipino community at ng Koreans.

Ginanap ang KPIFF para sa selebrasyon na rin ng ika-100 taon ng Philippine Cinema at ika-70 taon naman ng Korea-Philippines diplomatic relations.

Bisitahin ang website ng KPIFF upang malaman ang iba pang detalye. I-click ang KPIFF

Sources:  Facebook  Inquirer, GMA News Online, KPIFF


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!