Higanteng balyena, napadpad sa Camarines Sur

  • Isang higanteng balyena ang kamakailan lang ay napadpad sa lalawigan ng Camarines Sur
  • Tinatayang nasa 12 dipa ang haba ng balyena na nakitaan ng sugat sa likod, tiyan, at may tama din sa bibig
  • Wala nang buhay nang makita sa pampang ang naturang balyena na isa umanong babaeng giant sperm whale
Imahe mula Pixabay

Hindi na kakaiba para sa mga Pinoy ang napapabalitang mga napapadpad na malalaking isda sa iba’t ibang isla dito sa Pilipinas.

Kalimitan sa mga isdang napapadpad sa mga lalawigan ay mga butanding, dolphins, at balyena. Karaniwan din na ang mga napapadpad na mga isdang ito ay nakikitaan ng mga sugat sa kani-kanilang mga katawan at nanghihina.

Sa buong mundo, parami na nang parami ang mga insidente kung saan ay natatagpuan ang iba’t ibang hayop mula dagat na nawawalan ng buhay dahil na rin sa mga basura ng tao.

Ang iba sa kanila ay nakikitaan ng daan-daang plastik sa loob ng kanilang katawan na maaaring nakain nila, habang ang iba naman ay nasusugatan dahil sa mga basura tulad ng plastic straw.

Imahe mula Pixabay

Dahil napalilibutan ang buong Pilipinas ng anyong tubig at maraming isla dito, malimit na napapabalitang mayroong napapadpad na mga hayop sa dagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kamakailan, mayroong napadpad na isang higanteng balyena sa Barangay Tabgon sa isla ng San Vicente sa Camarines Sur.

Nabulabog ang mga residente sa balyena na nakita ng isang mangingisda sa pampang ng isla. Tinatayang nasa 12 dipa ang haba ng balyena, ayon sa tantiya ng mga residente ng barangay.

Sa kasamaang palad, wala nang buhay ang balyena nang matagpuan. Nakitaan ito ng mga sugat sa kaniyang likod at tiyan, at nakita rin na wasak ang nguso ng balyena.

Imahe mula kay Punong Barangay Edgar Bernal via ABS-CBN News

Ang higanteng balyena umano na ito, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ay isang babaeng giant sperm whale. Dagdag din ito sa aabot na 100 mammal stranding sa Pilipinas ngayong taon.

Ayon sa datos, mas marami ang bilang ng wala nang buhay na mga mammal kaysa sa buhay na natagpuan sa mga pampang mula pa noong 2005.

Nakatakdang magsagawa ng necropsy o pagsusuri ang BFAR sa katawan ng napadpad na higanteng balyena.

Sources: Facebook, ABS-CBN News


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!