Asong matiyagang naghihintay sa naaksidenteng amo, tinaguriang “Greek Hachicko”

  • Isang aso sa Greece ang masugid na naghihintay sa kanyang yumaong amo
  • Nag-trending ito sa social media at tinawag na “Greek Hachicko”
  • Nagtulong-tulong ang mga residente upang siya ay gawan ng bahay sa kanyang pinaghihintayan, at binibigyan din ng pagkain at tubig

Bukod sa ating pamilya na palaging nasa ating tabi upang tayo ay damayan o saluhan sa kasiyahan o sa kalungkutan man, ang pagkakaroon ng mga kaibigan na lagi ring nandiyan para sa atin ay isa sa mga dahilan kung bakit mas nagiging makabuluhan ang ating buhay.

Imahe mula sa Freepik

Kung ating iisipin, may mga sitwasyon na tayo ay mayroong mas maraming oras na ginugugol kasama ang ating mga kaibigan.

Maaaring dahil sila ang kasama nating nakatira sa tinutuluyang bahay, sila ang ating mga katrabaho, o ‘di naman kaya ay sila ang ating mga inaalagaang hayop.

At sa kaalaman ng nakararami, ang aso ang karaniwan nating alaga sa bahay. ‘Ika nga nila, ito ang “man’s best friend”.

Wala man silang kakayahan na makapagsalita at magbigay ng “words of encouragement” sa panahong ikaw ay nakararamdam ng panghihina ng loob gaya ng mga kaibigan natin na kapwa tao, nariyan naman sila upang maging kasama mo anumang oras na kailangan mo.

Ito ay pinatunayan ng isang alagang aso sa Greece na nagpaantig sa puso ng mga netizens sa buong mundo dahil sa pagiging “loyal” nito sa kanyang amo.

Imahe mula sa YouTube account ng Nafpaktianews

Sa loob ng isa at kalahating taon, ang asong ito ay inaabangan ang pagbabalik ng kanyang amo sa lugar kung saan ito ay binawian ng buhay dahil sa isang aksidente sa kalsada.

Ayon sa report ng Nafpaktianews, ang puting aso na ito ay naninirahan sa pinangyarihan ng aksidente sa Greek town ng Nafpaktos. Marami diumano ang nagtangka na kupkupin ang aso subalit ito ay tumatakas pabalik sa nasabing lugar.

Dahil sa paulit-ulit na pagtakas nito, ginawan na lamang siya ng mga residente ng tahanan sa lugar na ito at binibigyan ng pagkain at maiinom.

Imahe mula sa YouTube account ng Nafpaktianews

Ang asong ito ay pinangalanang “Greek Hachiko” na hinango sa sikat na asong si Hachiko ng Japan na nakilala sa buong mundo dahil sa kanyang loyalty sa yumaong amo na kanyang inabangan nang ilang taon sa train station.

Bukod dito ay maraming kaparehong kwento nito sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan nagpakita ng matinding pagmamahal ang mga alagang aso nang yumao na ang kanilang mga amo.

Kamakailan ay mayroon ding ganitong kwento dito sa atin sa Pilipinas.

Naging usap-usapan sa social media ang asong si Buboy na nagpakita ng matinding katapatan sa kanyang kaibigang guro na pumanaw.

Sources: YouTube Oddity Central


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!