Wallet na naglalaman ng malaking pera, mas mataas ang tsansang maibabalik

  • Inilathala kamakailan sa “Science” website ang pag-aaral na “Civic honesty around the globe”
  • Base dito, ang mga nawawalang pitaka na may malaking halaga ay may mas mataas na “return rate” kumpara sa mga mas mababa ang halaga
  • Ang mga bansang pinagsagawaan ng eksperimentong ito ay mayroong “consistent” na resulta

Ang unang pumapasok sa isip natin kapag nakakarinig ng nawawalang “wallet” ay ang malaking posibilidad na maraming tao ang hindi magsasauli nito lalo na kung ito ay naglalaman ng malaking halaga.

Ito ay dahil sa tinatawag na “human nature”.

Ngunit hindi ito ang lumabas na resulta sa “field experiment” na isinagawa ng ilang mga researchers sa 355 na lungsod mula sa 40 na bansa.

Ang pag-aaral na ito ay may pamagat na “Civic honesty around the globe”. Ito ay inilathala sa “Science” website ngayong buwan lamang ng Hunyo.

Ito ay naglalayon na malaman kung gaano nakaaapekto ang halaga ng nilalamang pera ng mga nawawalang pitaka sa pagiging matapat ng tao.

Sa eksperimentong ito ay gumamit ng 17,000 na nawawalang wallet at inilagay sa pang-publiko at pang-pribadong lugar. Ang mga pitaka ay naglalaman ng iba’t-ibang halaga ng pera.

Imahe mula kay Sarah Jane Fernando

Mula dito ay inobserbahan kung ilang tao ang magbabalik sa mga ito.

Ayon sa pag-aaral, mas mataas ang tsansa na ibabalik ang mga nawawalang wallet na may mas malalaking halaga kumpara sa mas kakaunting pera o wala talagang laman.

Ilan sa mga bansang pinangyarihan nito ay United States, United Kingdom, India, South Africa at China.

Kamangha-mangha rin na sa eksperimentong ito ay “consistent” ang kinalabasang resulta sa lahat ng bansang pinaggawaan nito.

Samantala, ang mga author ng pag-aaral na ito ay sina Alain Cohn, Michel André Maréchal, David Tannenbaum at Christian Lukas Zünd.

Sources: Science


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: